pinagbuti

Mga Pamamaraan ni Kristo


Mga Kaalaman: Si Hesus at ang Islam

Ang dialogo sa pagitan ng mga relihiyon

Ang pahinang ito ay isang kontribusiyon sa isang higit na pagkakaunawaan at sa isang diyalogo sa pagitan ng mga relihiyon, tulad ng mga nangyayari ilang taon na ang nakakaraan. Hindi tinatangka ng mga pagpapaliwanag na ito na ilarawan ang kabuuan ng Islam. Mayroon ding mga iba’t ibang landas ng pag-iisip ang teolohiya ng Islam.

Ang Koran at ang ibang "mga aklat ng mga relihiyon"

Ang ibig sabihin ng Islam ay "pagsuko sa kalooban ng Diyos".

Ang Banal na Kasulatan ng Islam, ang Koran (Quran), ay pinaniniwalaang inspirasyon na buhat sa Diyos, at ito ay ipinahatid kay Propeta Mohammed (Muhammad) sa pamamagitan ng Anghel Gibril – na kadalasang inuugnay sa Arkanghel na si Gabriel, na kilala rin sa Kristiyanismo.. Kaya’t ang Banal na Koran ay nararapat na ituring na siyang pinaka-mahalagang Kasulatan ng Islam. Ang iba pang tradisyon ("Sunna", na ang literal na kahulugan ay "kaugalian") na may mga kasabihan/anekdota ng Propeta (Hadithes) ay gumaganap ng isang bahagi sa interpretasyon ng Koran. Kahit na ang isang propeta, sa kanyang pansariling gawi, ay isang tao, at hindi Diyos. Nararapat ding isalang-alang na mayroon mga Muslim na hindi lubos ang kaalaman sa Banal na Kasulatan tulad din ng mayroong mga Kristiyano na hindi rin lubos na alam ang tungkol sa Bibliya.

Ang Koran kung minsan ay tuwirang tinatawag ang mga Kristiyano at Hudyo na "Kayong mga tao ng kasulatan..." (mga tao ng aklat, halimbawa sura 4,171*) at "Kayong mga anak ng Israel". Sa ganitong paraan, maaari nilang talakayin ang nasusulat sa banal na aklat – kahit na sa kadalasan ay hindi nila ginagawa ito. Ang agham ng relihiyon ay pinag-aaralan pa rin ang Banal na mga kasulatan ng lahat ng relihiyon, at kabilang sa mga sinasaliksik ay ang makasaysayang kaunlaran ng kanilang interpretasyon. Gayunman, ang Banal na mga aklat ay nararapat pag-aralan nang may paggalang. Ang isang bahagi ng sinulat ng mga Muslim na mga komentarista ng Koran ay nagsasaad na may isang orihinal na Koran – na itinago ng Diyos sa isang ligtas na lugar – na madaling lapitan ng mga purong anghel at purong propeta lamang, at ang ibang bahagi nito ay mga pagpapaliwanag, na ang magbabasa ng Koran sa lupa ay nararapat na nasa dalisay na kalagayan.

Ang Propeta ay itinuturing na pinadala sa panahon (o panahon sa pagitan), nang ang mga propeta ay kinakailangan (sura 5, 19*). Sa Banal na Koran, may pagkakaiba ang mga "Naniniwala" ayon sa mga turo ng Propeta Mohammed, at sa "tao ng Kasulatan", at sa mga "Taong hindi naniniwala". Liban sa mga Muslim, ang mga tinatawag ng "tao ng Kasulatan" ay ang mga Hudyo at mga Kristiyano na parehong mula sa isang tradisyon; paminsan-minsan din ang mga Zoroastrians (Parsees; sura 22, 17*). Tinatanggap ng Koran ang pagkakaugnay ng "mga Propeta", na nagtuturo ng paniniwala sa Isang Diyos, ng Huling Paghuhukom sa buhay pagkatapos ng kamatayan, at ng panalangin para sa sangkatauhan at sa kanilang panahon ( hal., sura 6, 83-92; sura 7; sura 4,136*). Sa dahilang ang mga tao ng mga relihiyong ito ay naniniwala sa nagkakaisang batayan, hindi sila itinuturing ng Koran na mga taong walang paniniwala (hal., sura 5, 48*). Sa mga unang siglo ng Islam, ang mga Kristiyano at Hudyo ay hindi pinilit na magbagong-loob sa Islam – ayon sa mga turo ng Koran, "Sa relihiyon, walang pagpapatupad", sura 2,256
Si Abraham ay tinuturing na isang "Hanifes", na natagpuan ang paniniwala sa isang Diyos lamang, halimbawa ay ang ilang ermitanyo.
Ang pangalan ng Diyos sa Islam na "Allah" – mula sa wikang arabic bago ng Islam na "al-jlah" – na kahit na bilang salitang semitic ay halos pareho ng pinanggalingan ng pangalang "Elohim," isa sa mga pangalan ng Diyos sa mga aklat ni Moses (na nakasulat sa Hebrew).

Ang mga "taong walang paniniwala" – na ang literal na kahulugan ay "tagapag-takip" – sa istriktong kahulugan ay ang mga kulto na polytheistic – idolatriya o pagsamba sa diyos-diyusan na kontra na ipinaglaban ni Mohammed sa Arabia at kontra na ibinigay na babala ng Bibliya sa mga Hudyo at Kristiyano. Sa malawakang kahulugan sa kasalukuyan, tinitingnan ng Islam ang mga Taong Walang Paniniwala, na hindi naniniwala sa isang Diyos at sa Huling Paghuhukom. Kung minsan, ang termino ay maling nilalahat para sa lahat na hindi Muslim; kung minsan naman kahit na sa mga Muslim sa kani-kanilang ibang paaralan.

Si Hesukristo sa Koran

Dito ipinauunawa, na tinatanggap ng Koran si Hesus bilang isang propeta, at bilang sinugo ng Diyos, at bilang "Salita" ng Diyos na walang kinakailangan pang pagpapaliwanag, at bilang "espiritu ng Diyos" (sura, 4,171"), "nilikha tulad ni Adan" (suras 2, 3, 5"...). Nakakahigit pa ito sa mga tinatanggap ng ilang mga modernong teologong Kristiyano na ang tingin kay Hesus ay bilang tagareporma lamang ng lipunan! Hindi lang tinatanggap ng Koran na si Hesus ay anak ng Diyos, tulad ng nilalaman sa doktrina ng Banal na Santisimo Trinidad. Noong panahon ni Mohammed inakala ng mga Kristiyano na ito ay isang tunay na pangkatawang pangyayari. Nang mga panahong iyon, kaaaunti lamang ang mga Kristiyanong maaaring makapagpaliwanag nang kapani-paniwala sa orihinal na kahulugan nito, sa paraang sinumang darating ay mauunawaan din ito. (hal., sura 6, 101*).
Sinasaad sa Romano 1:4, na si Hesus ay "hinirang" bilang Anak ng kanyang espirituwal na kapangyarihan – kung kaya’t hindi isinilang. 
Ang mga Kristiyano ay maaaring sumang-ayon sa paniniwala ng Islam, na ang Diyos ay hindi pa isinilang at hindi "ipinanganak" kundi nilikha. Ang salitang Griyegong "logos" – na matatagpuan sa Bibliya at nangangahulugang pinaggalingang maka-Diyos, o kaya pagpapadala kay Hesukristo – ay isinalin sa mga Ebanghelyo na "Ang Salita", na ginagamit sa Koran bilang pantukoy kay Hesus. Ang mga inspirasyon ba sa Koran ay naglalaman ng mga misteryo na hindi pa lubos na natutuklasan ng parehong Muslim at Kristiyano, kaya tuloy madalas silang mag-away? hindi ito ayon sa mga turo ni Hesus na: "Manalangin sa ama (Diyos) sa pangalan ko (na ibig sabihin ay tumutukoy kay Hesus") -Bibliya, Juan 15:16). Lahat sa buhay ni Hesus ay nakahilig sa isang Diyos, at dito rin niya pinagsisikapang ilapit ang balana.

Ang "Logos" (Griyego, sa Ebanghelyo ni San Juan,ang "Salita ng Diyos"-ay nakaugnay kay Kristo) ay matatagpuan sa pagsasalin ni Paret sa wikang Aleman ng Koran na walang kinalaman kay Hesus. Ang ibang mga edisyon ng Koran ay ipinapaliwanag ito bilang "pagmamalasakit" ng Diyos o "utos" ng Diyos. (sura 13, 12, at 13,11*).

Sa Koran, si Hesus ay inilalarawan na "tulad ni Adan", na nilikha mula sa lupa, (sura 3, 59*); at tumutukoy tungkol sa isang sugo mula sa Espiritu ng Diyos upang ipanganak si Hesus (sura 19, 17-22*). Ang bersiyon ng mga Kristiyano ay katulad na binabanggit ang tungkol sa pagpapahayag ng isang anghel kay Birheng Maria ng pagsilang ni Hesus lalang sa Espiritu Santo. (. Nasasaad din sa Koran na si Hesus ay pinalakas ng Espiritu Santo / espiritu ng kabanalan. (sura 5, 110*).

Sinasabi sa Koran na ipinahayag ng batang si Hesus ang kanyang Muling Pagkabuhay (sura 19, 33*); nguni’t ang malamang na tinutukoy dito ay ang Muli niyang pagdating sa konteksto ng Muling Pagkabuhay ng mga Nananalig sa panahon ng Huling Paghuhukom na madalas binabanggit sa Koran (tignan sa ibaba, sura 4, 159*). Sinasabi ng Koran na si Hesus ay umakyat ng buhay sa langit (sura 4, 157-159, sura 3, 55*).
Ang mga Muslim at ang mga Kristiyano ay nagkakaiba sa kanilang paniniwala, na kung si Hesus ay ipinako sa krus, namatay, at nabuhay na muli bago siya umakyat sa langit – tulad ng sinasabi ng mga Kristiyano – o kaya kung siya ay umakyat sa langit na hindi nakakaranas na pagkapako sa krus – tulad naman ng paniniwala ng mga Muslim. Kahit ano pa man, pareho silang naniniwala na nang umakyat si Hesus sa langit, siya ay hindi "patay", kundi, halimbawa, binibigyan ng turo ang balana.
Sa suras 3:55 at 5:48* sinasabi na ..."lilinisin ko siya" at ..." kayo ay babalik sa akin at ako (Diyos) ay magpapasiya tungkol sa bagay na hindi ninyo pinagkakasunduan".. Kaya’t sa halip ng pag-aaway, maaaring hintayin na lamang ng parehong Kristiyano at Muslim ang kalutasan ng ilang mga natitirang misteryo.

Binabanggit din sa Koran ang Huling Paghuhukom at ang Muling Pagkabuhay ng mga Nananalig (halimbawa Sura 36, 77-83; Sura 69, 13-17, Sure 75, 99). Si Hesus ay muling darating, at magiging isang saksi o isang hukom para sa mga taong naniniwala sa Kasulatan (sura 4, 159; ihambing sa sura 16,89*.) Ang mga niniwala sa Diyos at sa Huling Paghuhukom, at "gumagawa ng mabuti" ay walang ikakatakot sa Huling Paghuhukom (sura 2, 62, sura 4, 123-124; sura 7,170*). Ayon sa Koran at sa Bibliya rin, ang Huling Paghuhukom ay isang gawa ng Diyos, at hindi ng mga tao, kahit sila ay mga Kristiyano, Muslim o Hudyo.
(Ang mga paghahambing na ito sa pagitan ng mga relihiyon ay hindi nangangahulugan ng pag-aalinlangan sa kasarinlan ng Koran.)

Mga Prinsipiyong Etiko 
Magkakauri ang prinsipiyong etiko ng 3 "Relihiyong maka-Abraham" na binanggit. Ang mga kautusan ay matatagpuan din sa Koran, ngunit hindi nakalista sa magkatulad na paraan, hal., sa sura 17,22-39, sura 5,38-40; sura 2,188; sura 4,135; sura 2,195; at sura 17,70* (pantaong dignidad). Halimbawa, ipinagbabawal ng Koran na pumatay ng mga walang malay o kasalanan ng walang mga pagtatangi (sura 5,27-32*). Ang tinatawag na "Gihad" ("Jihad") ay nangangahulugan lamang ng: pakikipagtunggali, pakikipaglaban; ang kahulugan ng"Banal na Digmaan" ay hindi galing sa Koran, kundi sa mga pagpapahayag ni Mohammed at ng batas ng Islam.*** Ang tinatawag namang "Dakilang Gihad" ay ang panloob na pakikipaglaban sa sariling kasamaan – sa kaisipan at sa budhi, na higit na mahalaga kaysa sa anumang pakikipagtunggaling panlabas. Ihambing ang mga aral ni Hesus na "alisin muna angpuwing sa sariling mata"- sa pamamaraang ito maraming panlabas na tunggalian ang mawawalan ng saysay.) Ang ibig sabihin ng "Gihad ng salita" ay ang mapayapang pagpapahayag ng sariling paniniwala. Ang "Gihad ng kamay" ay ang aktibong pagpapamahagi ng paniniwala sa pamamagitan ng halimbawa. Ang "Gihad ng patalim" na tinatawag ding "maliit na Gihad" ay pinapahintulutan lamang bilang pagtatanggol sa sarili kung sinasalakay ang mga naniniwala (ihambing sa Koran sura 2, 190*). Ngunit ang ilang "kalupitan" sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga relihiyon ay binabanggit na rin sa Koran (sura 48, 29, sura 47, 4*). Mayroon ding malawak na mga alintutuning tradisyonal, halimbawa ang pakikitungo ng babae at lalaki, kabilang ang pagbabawal ng pakikipag-isang-dibdib sa isang hindi Muslim.

Ang mga sumusunod ay kabilang ng mga alituntuning Islam: 
"Ang paniniwala na walang ibang Diyos kundi ang Diyos (Allah), at si Mohammed ay isang Propeta ng Diyos;
na dapat magdasal ng mga kinakailangang dasal sa araw-araw (sura 2,177*);
na sundin ang ayuno ng Ramadan tuwing taon (sura 2,185);
na gawin kahit minsan sa buong buhay ang paglalakbay na kinakailangan (sura 2,196*);
at ang "Zakkat" o buwis,, ang pangrelihiyong donasyon ay ipinagkakaloob para sa panlipunang mga layunin (sura 2,177*)

Sa kasalukuyang Islam ay walang sentral na awtoridad, na nagpapasya tungkol sa mga usaping panrelihiyong-etiko. Gayunman, ang mga paniniwala na ibinabahagi ng karamihan sa mga tanyag na mga iskolar (ulama) ay maaaring tanggapin ng mga nakakarami.

*) Ang Koran sa wikang Aleman – sa Pagsasalin ni Rudi Paret ang ginamit para sa artikulong ito, na itinuturing na ang Egyptian ang pinaka-karaniwang ginagamit ng mga bansang Islam. Sa mga ibang pagsasalin ay maaaring magkaroon ng pagkakaiba ang bilang ng mga berso;  at Inyongmatatagpuan ang hinahanap na nilalaman bago o pagkaraan ng bilang ng berso sa kaparehong sura(h.) Ang kahulugan ng mga banggit sa Koran ay sinuri sa tulong ng Koran sa wikang Aleman at – komentaryo ni Adel Theodor Khoury, na ang pagsasalin ay tinanggap din ng mga Muslim (halimbawa ang kay Dr. Inamullah Khan, na noon ay ang General Secretary ng Islamic World Congress.) Ang kanyang komentaryo ay nagkakaloob ng natatanging pansin sa tradisyonal na interpretasyon ng mga Paaralang Islam. Ang mga kahirapan sa pagsasalin ng lumang wikang Arabic ng Koran ay hindi mahalaga para sa mga nabanggit na mga lugar, na maaaring maliwanag namang nauunawaan.

***)Wala ring makikitang makatwirang paliwanag sa Bibliya ukol sa mga makasaysayang "mga krusada ng Kristiyano", kundi ito ay mga gawa ng tao, at (ang mga krusada) sa kasalukuyan ay masama ang pagtingin dito ng maraming Kristiyanong taga-Europa.

 

Balik sa Homepage.

Ang website na "Mga Pamamaraan ni Kristo" ay isang plano para sa pag-aaral at pagsisiyasat. Tinatangkilik ng website na "Mga Pamamaraan ni Kristo" ang mapayapang pagsasama-sama at malalim na pagkakaunawaan ng iba’t-ibang mga paniniwala. Ang "Mga Pamamaraan ni Kristo" ay walang kinalaman kahit sa anong relihiyon o simbahan o ano pa mang mga kapisanan, at wala rin itong binabalak ng pagtubuan o kaya ay makaimpluwensiya sa politika. Wala rin itong tungkuling pang-misionero, at wala rin itong layuning makakuha ng mga bagong kasapi.